Ilang beses ko nang sinubukan magpahaba ng buhok, pero kakaiba ang kinalabasan. Parang humahaba lang siya sa isang lugar. Parang literal na pugad ang buhok ko. Ayaw makisama, ayaw maki-ayon at sumuko na ako.
BACKGROUND MUSIC PLEASE! This part is FICTION (yeah, yeah...)
Mainit ang upuan. Malamig mong mga mata. Habang nagbabaga pa ang ating mga sigarilyo sa tig-isang kamay, kapit ng ating dalawang daliri, hinimay mo ang iyong pinagdaanan at mga pagkakataon. Para bang ako lang ang may alam, walang iba pa. Swerte sa pandinig, tenga'y pumapantig. ‘Ni aking kisapmata ay ayokong madama dahil sa aking paningin, ang iyong mukhang walang bakas ng kahapon ang aking mamahalin.
Nakakapag-usap tayo ng walang pinag-uusapan. Maraming sinasabi ang iyong mga mata. Kapit ang aking labi, ayokong tumigil ka. Bumilis ang ating hithit, bumagal ang buga, iniwan muna ang katotohanan na masakit na ang aking dibdib para lang masabayan ka. Walang tigil ang kwento, lahat naintindihan ko. At sabi mo, ako naman ang magkwento.
Wala akong makwento, ikaw lang naman naiisip ko, alangan namang ikwento kita.
Bigla mong nabanggit na ok sayo ang long hair, kahit di maporma, kahit simple lang.
Bumagal ang aking hithit.
Hindi ko na makita ang iyong mata sa iyong ngiti.
Pinipigilan kong ngumiti.
Ayokong makita mo ang aking galak.
Naubos ang mga yosi,
Sabay tayong tumayo.
Sabay tayong lumayo.
Kahapon sabi mo, "ang haba na ng buhok mo ah"
sagot ko, "magpapagupit na ba ako?"
sagot mo, "oo..."
Inisip ko, "o ano?"
No comments:
Post a Comment