“Sa pag- ibig ba’y may pagsasawa o talagang hindi na sapat ang mga araw na magkasama?”
Pawis at luha ang dalawang likidong nag- uunahan sa mukha ni Rodel habang dumarampi ditto ang malamig at mahalumigmig na simoy ng hangin. Luhaan pa ang mga mabibilog nitong mata habang hawak- hawak ang pula nitong gitara. ‘Di inaalisan ng pansin ni Rodel ang araw na tila baga nagpapaalam na upang magpahinga. Tanging pagtugtog ng isang nakapupukaw- damdaming awitin ang kaniyang ginagawa habang nakaupo sa Pampang ng dagat at nagninilay- nilay mula sa kahapon. Malulungkot na nota at mala- umiiyak na anghel ang tono ng musika ni Rodel, na kung mapapadaan ka’t maririnig mo’y ‘di mo maiiwasang punasan ang mga luhang unti- unting mamumuo sa iyong mga mata.
Hindi pa rin lubusang maalis sa isipan ni Rodel ang mga maliligayang araw na kasama niya si Crisel, isang anak ng mayamang negosyante sa bayan ng Santa Barbara. Mahaba at hanggang baywang ang buhok ni Creisel, maputi medyo may pagkatangos ang ilong, makinis ang mukha, may mahinhin sa boses, may mapupulang labi at balingkinitan ang katawan ni itinuring na ring hiyas ng kanilang nayon.
Sariwa pa sa al- ala ni Rodel ang unang gabing namasdan nito ang tunay na ganda ng dilag. Sabay- sabay na gumagalaw ang buhok nito na tila sumasayaw kasabay ang hangin. “O Diyos ko! Ako na ba’y nabighani kaagad sa unang sulyap ko pa lamang sa babaeng ito o ito’y tanging ilusyon lamang na dapat ko ng tigilan?”, tanong ni Rodel sa sarili. “O iha, anong ginagawa mo’t andyan ka? Pumasok ka na’t malamig na.”, ani ni Aling Carmen, ang ina ni Crisel. “Sige po ma, papasok nap o ako”, sagot ni Crisel sabay pasok sa loob ng kanilang bahay. Si rodel nama’y tila napag- iwanan na lang ng panahon at kamot na lang sa ulo ang nagawa habang binabasbas nito ang daan pauwi sa tahanan.
KRING!!! KRING!!! KRING!!! Namumula na ang langit nang maalimpugatan sa tulog ng malakas na timbre ng telepono. “Hello, Kumare!”, tinig ng nasa telepono. “Saglit lang po at tatawagin ko si Inay.”, pabalik na sagot ni Rodel sa kausap. “Inay, may tawag po kayo sa telepono, Kumare niyo raw po.” At agad namang pumaroon mula sa kinalalagyan ng teleponoang nanay ni Rodel upang tugunan ang nasa telepono. Medyo may bakas pa ng magandang mukha ni Crisel ang isip ni Rodel ng umagang iyon habang iniisip nito kung sino ang kausap ng kaniyang ina. Pagkatapos ibaba ng ina ni Rodel ang telepono, agad itong lumapit sa kaniya at sabay sabing “Rodel, magbihis ka at may pupuntahan tayo”. “Saan naman po Inay?”, tanong ni Rodel na nakakunot na noo. “Dumating mula sa Maynila ang kumare ko’t iniimbitahan ako sa debut ng kaniyang unica ija”, sagot naman ng kaniyang ina. Hindi na nakasagot pa si Rodel ng akmang sasampalin ito sa muli niyang pagsagot sa ina, kaya’t pinasya na lang nitong umakyat at magbihis.
Pagkatapos magbihis ng mag- ina ay sumakay ang mga ito sa isang dyip na kahit uugod- ugod na’t mausok ay pwede pa rin ayon sa tsuper nito.
Nakasuot ng puting skirt si Aling Milagros at de – takong naman ang saplot nito sa paa habang si Rodel nama’y suot ang bago nitong polo na binili niya sa Divisoria ng minsang magbakasyon ito sa Maynila. Ang buhok nito’y naayusang magaling dahil pinahiran ng gel upang tumigas at maipirme sa istilo niyang ninanais. Maong ang kaniyang pantaloon at pinakintab na leather ang kaniyang sapatos.
Habang papalapit patungo sa destino ng selebrasyon ay nanlalamig mula sa kinauupuan itong si Rodel. Gayumpaman, tagaktak ang pawis nito habang iniisip kung saan tutungo ang sasakyan. Laking gulat nito nang tumigil ang dyip sa bahay ng babaeng umantig sa puso niya noong isang gabi. Tila may kaladkaring malaking bato sa paglalakad si Rodel sa pagpasok nito sa loob ng malapalasyong bahay nila Crisel. Bawat hakbang ng binata’y nanginginig at mabagal umusad habang pinagmamasdan nito ang magandang mukha ng dilag na may suot na mahabang gown. Kulay pula ito na katulad ng mga rosas sa hardin ng dalaga. Mapupula ang labi’t pisngi nito na ‘di alintana ang init ng paligid dahil sa dami ng dumalo habang nag- aabang sa hagdan upang batiin ang mga panauhing dumarating.
Pagkarating ni Rodel at kaniyang ina sa sentro ng pagdiriwang ay tulala pa rin ang binata matapos nitong masilayan ang kariktan ng dalaga. “Iho, anong nangyari sa’yo at para kang nakakita ng multo?”, tanong ni Aling Milagros sa anak. “Hindi inay, hindi multo kundi isang Anghel.”, sagot ni Rodel na tila tulala pa rin hanggang ngayon. Naudlot ang pag- uusap ng dalawa nang ang isang tinig ay narinig. “Maraming salamat sa lahat ng panauhing dumalo sa kaarawan ng aking anak na babae at para sa inyong kaalaman, tinatawag ko ang pansin ng aking unica ija, ang nagmistulang prinsesa ngayong gabi – Crisel Cristobal”, pasigaw na anunsyo ni Alling Carmen. Crisel! Crisel! Crisel!, sigaw ng mga panauhin sabay pag- awit ng happy birthday song. Sa isang tabi, si Rodel ay tuwang – tuwa nang malaman nito ang pangalan ng dilag. “Ahh, Crisel pala ang pangalan niya.”, sambit nito sa sarili.
Habang nagkaksiyahan ang lahat ay napagpasiyahan ni Rodel na mamasyal muna sa tabing
dagat. Malapit lang kasi ang bahay nila Crisel sa dagat kaya masarap lumanghap ng sariwang hangin. Sa kaniyang paglalakad sa pampang, nakarinig ito ng babaeng kumakanta. “San kaya galing ang mala- anghel na tinig na iyon at para bang kay sarap pakinggan?”, tanong ni Rodel sa sarili. Sinundan ni Rodel ang tinig hanggang nakarating ito sa isang bahay- pawid. “Paumanhin po. Kayo po ba ang ‘yong kumakanta?”, tanong ni Rodel sa nakatalikod na babae. Laking gulat na lang nito nang Makita ang mukha ng babae. “Oo, ako nga.”, sagot ni Crisel. Namula ang mukha ni Rodel nang Makita si Crisel. “Ah, eh” at hindi na muling nakapagsalita si Rodel nang hawakan ni Crisel ang kamay nito’t sabay ang hila. “Halika, pasok ka. Ito ang paborito kong lugar dahil bukod sa masarap ang hangin, tahimik pa”, sabi ni Crisel.
“Hindi ka ba natatakot na mag- isa mo lang dito? Baka anong mangyari sa’yo rito. Babae ka pa naman din.”, bulalas ni Rodel na tila nabubulol pa. “Hindi noh! Ako lang ang tanging nagdarayo rito at wala ng iba. Teka, kung ‘di mo mamarapatin, maaari ko bang malaman ang pangalan mo?” “Ah, eh. RO- RO- RODEL. ‘Di ba, ikaw si Crisel?” “Oo, ako nga. ‘Ba’t parang hindi mo pa masabi ang pangalan mo? I to ba’y parang perlas sa dagat na pagkamahal- mahal? At sabay ang mga itong nagtawanan. Sa saya ng kanilang pag –uusap ay ‘di pumuslit sa kanilang usipan ang mabilis na oras hanggang umabot sa dilim. Tuluyan na ngang gumabi at patapos na rin ang selebrasyon kaya’t nagtungo na ang dalawa pabalik sa tahanan ni Crisel. Pagdating sa bahay, dali- dali silang pumasok at kanilang nakasalubong ang kanilang mga ina. “Aha! Kumare, mukha yatang hindi lang sa pagkakaibigan tutuldok ang ating samahan. Magiging magbalae rin pala tayo.”, ang sabi ni aling Carmen kay aling Milagros. “Ma, ngayon lang po kami nagkakilala ni Rodel kaya ‘wag po kayong magsalita nang ganyan.”, pasalungat na sabi ni Crisel sa dalawa na parang nagkakasunduan na. “Inay, tara nap o.”, ang imbitasyon ni Rodel sa ina upang ang biruan ay matapos na. “Pa’no balae, alis na raw kami sabi ng manugang mo”, pabirong sabi ni Aling Milagros. “Sige balae, ‘wag mong kalimutan ah, tayong dalawa ang magmamartsa sa mga ito sa altar.”, patawang sagot naman ni aling Carmen. Sa kanilang pag- alis ay pasulyap- sulyap pa rin si Rodel kay Crisel at sa mga mata nila’y nagsasabing “sa uulitin ha”.
Naging madalas ang pagkikita ng dalawa, buwan- buwan, linggu- lingo, hanggang sa naging araw- araw. Sa panahong sila’y magkasama, naging malapit ang mga ito sa isa’t isa. Natuto rin si Rodel kung paano tumugtog ng gitara. Sa kanilang mga pagkikita ay nagsasanay ang mga ito kung paano bumuo ng nakakaantig na musika. Si Rodel ang nakatoka sa gitara at umaawit naman si Crisel.
Makalipas ang tatlong taon, nakapagtapos ng Enhinyero si Rodel at Nurse naman si Crisel sa
Unibersisad ng Santo Tomas. Sa muli nilang pagkikita sa “double celebration” ng kanilanh pagtatapos sa tahanan nila Crisel ay nagpasya ang dalawa na pumaroon sa bahay- pawid tulad ng kadalasan nilang ginagawa. Habang tumutugtog ng gitara si Rodel, si Crisel nama’y umaawit ng musikang may malungkot na himig. Habang sila’y umaandar sa mundo ng musika ay may sandaling nagtatagpo sa isang sulok ang kanilang mga paningin. Bawat titig at pikit ng mata’y may mga lihim na mensahe. Hanggang dumating ang sandali ng isang malaki ngunit makantindig – balahibong pag- amin. Nagtitigan ang dalawa ngunit pawang ang isa’t isa’y nagbibigayan ng puwang upang magsabi ng natraramdaman. “Crisel”, nanginginig na sabi ni Rodel na halatang papigil ang salita. “Ano ‘yon Rodel?”, tanong ni Crisel. Sa puntong iyon ay ‘di maalis sa isa’t isa ang tingin sa kanilang mga mata.
“Crisel, sa tingin ko, ako’y umiibig na sa’yo. ‘Di ko alam kung paano nangyari pero talagang ‘di ko mapigilan ang damdamin kong ito na ‘pag ‘di ko nasabi ay parang bomba itong sasabog sa kaibuturan ng aking puso.”, pagtatapat ni Rodel.
“Rodel, ang totoo’y nakakubli ka na rin dito sa puso ko. Mahal din kita Rodel at handa akong mahalin ka hanggang sa kahuli- hulihan ng aking hininga.”, ani Crisel.
Langit ang yumakap sa dalawa nang marinig ang huni ng pag- ibig at ng bumaon sa kanila ang pana ng Asintadong Kupido.Nagyakap ang dalawa at marring sinunadan ito ng hagkan nang isa’t isa ang kanilang mga labi.
Mabilis na nagtungo ang dalawa sa lugar ng selebrasyon upang ipamalita ang bubot na relasyon. ‘Di humadlang ang kanilang magulang bagkus ay nagpasiyang ipakasal sila sa sandaling makabalik si Crisel sa papasukan nitong trabaho na alok ng kaibigan ni aling Carmen sa Australia. Nagkapangakuan ang dalawa na magkikita silang muli pagkatapos ng trabaho ni Crisel at sila’y magpapakasal na. Tuwing Linggo ay nagsusulatan ang dalawa. Una’y madalas, naging madalang at kung minsan ay kung mayroon lamang bakante na oras. Sa mga liham ni Crisel, laging hinahanap- hanap ni Rodel ang senyales ng pagmamahal at pag- aaruga nito ngunit wala itong makita, palagi na lang “Kamusta ka na? Kamusta ang trabaho at ganoon din kay mama at sa nanay mo?” Palagi la lang ganoon na dumating sa puntong nagsawa na si Rodel sa lahat ng nilalaman ng liham ni Crisel. Isang araw, isang liham ulti ang natanggap ni Rodel mula kay Crisel. Sa pag- aakalang pangangamusta ulit ito, ito’y kaniyang inilapag muna sa kabinet at sinabing pagdating niya na lamang ito babasahin. Pinulot nito ang bag na itim at nagtungo sa
kompanyang kaniyang pinapasukan.
Pagkagaling sa trabaho, dahil sa pagod at nanghihina si Rodel ay ipinagpabukas nito ang pagbabasa sana ng liham. Sumikat na ang araw at maagang nagising si Rodel nang tumunog ang telepono, tawag mula sa ina ni Crisel. “Rodel, si Crisel”, halos paputul- putol na tinig ni aling Carmen. “Bakit ho?” Anong problema? Nandito na ho ba siya? Sabihin ninyo.”, kinakabahang tanong ni Rodel.
Nanglumo si Rodel nang tuluyang umiyak si aling Carmen sa kaniyang sinabing “Patay na si Crisel! Patay na ang anak ko! Pinatay si Crisel ng tatlong lasing na kalalakihang napadpad sa bahay- pawid kung saan siya naghihintay, ginahasa’t pinagsasaksak ito hanggang malagutan ng hininga”. Bahagyang tumigil ang mundo ni Rodel, tila pumait ang tamis ng kending dati’y bumubuhay sa puso ni Rodel upang magmahal at para rin itong nasakdal sa kamatayang ‘di inaasahan. Galit, pighati at pagtataka ang bumalot sa buong pagkatao ni Rodel sa sinapit ng irog. Galit sa mga taong walang awing bumaboy at kumitil ng buhay ng minamahal. Pighati dahil ang kaisa- isang babaeng nagturo sa janiya kung paano magmahal at kung paano ang mahal ay kalianma’y hindi na niya maihahatid sa harap ng altar. At pagtataka kung bakit nasa Pilipinas si Crisel ng gabing iyon ng hindi nito nalalaman.
Sa sandaling iyon, sumagi sa isip ni Rodel ang liham na natanggap galing kay Crisel. Dagli itong umakyat sa silid at tiningnan ang sulat. Pagpasok nito sa kwarto’y agad nitong natanaw ang liham na hindi pa nagagalaw mula sa pagkakalapag nito sa kabinet. Agad itong kinuha ni Rodel at nanlaki ang mga mata nito nang mabasa ang nilalaman ng sulat.
Limuha ulit si Rodel habang ang araw ay tuluyan ng kinain ng dilim. Naudlot ang pagsasariwa niya ng nakaraan nang marinig nito ang isang maliit na tinig na wari’y siya’y tinatawag mula sa bahay –pawid. Agad itong nagtungo at mula sa kaniyang likuran, isang maliwanag na ilaw ang tila yumayakap sa kaniya na parang nagsasabing, “Mahal ko, tama na, huwag ka ng lumuha. Tapos na at hindi mo ito kasalanan. Sa’yo lang ako at akin ka lamang. Lagi akong nandito para sa iyo.”
Namuo ang luha sa mata ni Rodel na animo’y mamahaling bato at tuluyang bumuhos sa kaniyang mukha sa tila galit na ulan. Naisip din niya na hindi na niya maibabalik ang kahapon at tanging ang paglimot ditto ang tanging paraan upang tuluyang ang tinik sa kaniyang puso’y maibsan.
No comments:
Post a Comment