Monday, April 5, 2010

Katamaran ng mga Pilipino (repleksyon)


I.Dahilan ng Pagkakasulat

Tunay ngang makabuluhan ang akdang ito. Hindi man sambitin ang kung ano ang dapat nating alamin ay natural na ito sa ating ginagalawan- isang pisikal na kamunduhan. Layunin nitong ipakita ang malalakas na puntos na siyang susuporta tungkol sa ugaling KATAMARAN ng mga PILIPINO na itinuturing na isa sa mga seryosong sakit ng ating lipunan. Ito rin ay upang ipakilala sa atin ang kasaysayan kung bakit ang katamaran ni Juan De La Cruz ay naipasa sa ating mga dugo na siyang nananalaytay sa lahi ng mga Pilipino.

II.Paksang Diwa

Napakalaki ng mga pagbabago- napakahapdi at nakagigimbal, ano ba’t sinabayan pa ng hindi masukat na pagmamalupit, paghamak at pagbihag sa mga tao hanggang lunos na sa paghihirap, nagapi ang mga ito at yumuko sa mga aral ng dayuhan?

Upang mapatagal ang kanilang pagsakop, pinanatili ng mga EspaƱol ang pagka-mangmang at pagka-mahina ng mga tao. Ang kaalaman at kayamanan ay kapangyarihan kaya ang mga dukha at mga walang muwang ay mahina. Sa sitwasyong ito makikita kung papaano naging musmos muli ang isang lipunang natuto na at patuloy pa sanang uunlad, ngunit naantal ang paglaki at mistulang nawalan na ng malay at pagkakakilanlan sa sarili bilang isang lipunan sa loob ng tatlong daang taon.

III.Bisang Damdamin

Kung titingnan ang mga pinakamauunlad na bansa sa kasulukuyan, sila ang mga pinakaliberal. Ang mga mga mamamayan nila ay yaong may espasyo na magsaad ng nilalaman ng isip at puso. Yaong may “kalayaan upang mabigyan ng pakpak ang kanilang diwa sa pakikipagsapalaran”.

Maaaring ipinanganak tayong may katamaran, pero walang karapatan ang sino man na ikahon na lang tayo at tawagin bilang “tamad sa habang-panahon”. Lahat naman ng bagay ay maaaring gawan ng paraan kung gugustuhin.

Nakalulungkot lamang isipin na kahit ilan daang taon na ang nakalipas mula nang ating makamit ang kalayaan, ganito pa rin ang nakaukit sa ating isipan: na ang banyaga ang tama. Na sila ang mas magaling. Na sila lang ang may karapatang makaalpas. Tayong lahat ay tao lamang. Nanggaling kay Adan, Eba at sa iisang Panginoon. Hindi ba’t may kakayahan din tayong makapunta sa mga kamangha-manghang lugar? Siyempre naman. Ngunit ang pumipigil sa atin ay ang sarili nating anino na hawak pa rin ng madilim na nakaraan.

IV.Bisang Pangkaisipan

Ang katamaran mismo ay hindi isang kasamaan, kundi “ang pagsasagawa at pagpapaunlad nito”. Hindi naman kinakailangan na manahin ng bawat henerasyon ang katamaran ng nakatatanda, subalit, dahil nakasanayan na ito, mahirap na itong tanggalin pa. Pero, kung titingnan sa ating kasaysayan, maraming mga talaan tungkol sa kasipagan ng Pilipino. Masikap silang nangangalakal sa ibang bansa, at masagana ang lupang kanilang tinatrabaho. Mukhang ang katamaran ay nagsimula lamang nang

dumating ang mga Kastila.

Para maging makatarungan, hindi naman ang mga Kastila mismo ang sanhi ng katamaran, kundi ang kanilang mga inasal tungo sa mga Pilipino noong panahong iyon.

Ang pagtrato ng mga enkomendero sa kanilang mga tauhan ay isa sa mga nakatulong na palaguin ang katamaran ng Pilipino. Ang trabahador ay nagsisikap, pero hindi naman niya nakukuha ang nararapat sa kanya. Isang baliw — o kaya nama’y isang santo lamang ang magtatrabaho para sa wala maliban na lamang kung ito’y kusang loob. Hindi ba’t ang tao’y gumagawa upang siya’y mabuhay? Paano na kung ang nakukuha niya para sa kanyang dugo’t pawis ay kulang pa para sa kanyang hapunan?

Ang isa pang maaring patubig sa katamaran ay ang konsepto ng himala. Tinuruan ang mga Pilipino na manalig sa Panginoon, at maghintay ng milagro. Wala naming mali dito. Ang masaklap lang ay ang pangaabuso ng mga kura sa pananampalataya ng mga Pilipino. Isang patunay ay ang pagbibigay ng mga alay sa Diyos na kinukuha ng mga kura para sa pansariling dahilan.

Isa pa ang edukasyon. Oo’t pinag-aral nila ang mga Pilipino noon, pero,

matapos ang lima o sampung taon, maririnig ng estudyanteng ito ang siyang bukam-

bibig na ang lahat ng pinaghirapan at natutunan niya sa loob ng paaralan ay mabababale wala lamang dahil siya ay sadyang hahamakin bilang isang bukid –tao, kasama ng kanyang kalabaw. Mula pagkabata ay naririnig na ang mga ganitong kataga- hindi para sa iyo ang kuwan, nanggaling ka sa lahing mababa, wala kang mararating at hindi ka karapat-dapat sa mga gawaing pang-Espanyol. At mula rin sa pagkabata, pinukpok at pinukol na sa isipan ng mga Pilipino na kailangan niyang magkilos -makina, na dapat niyang pakinggan lahat ng sasabihin ng kura, na hindi dapat siya umangal at tanggapin na lamang lahat ang sasabihin sa kanya na para bang manikang di- lubid o “puppet” na gagalaw lamang kung ito’y kokontrolin.

V.Bisang Pangkaasalan

“Hay, naku, ang Pilipino nga naman. Napakatamad!.”

Napakaraming beses ko nang narinig ang ganito sa kalsada, na para bang hindi Pilipino ang nagsabi. Sa kasulukuyan, tila tanggap na ng mga Pilipino na tamad ang kanilang lahi. Naisin man niyang magbago, nawawalan naman agadsiya ng pag-asa dahilsa mga nakikita niya sa kaniyang paligid. ‘Ika nga, “ang iyong pinahihintulutan, hindi mo mababago kailanman”. Bago pa man natin magawan ng paraan ang isang problema, kailangang malaman muna natin kung ano ang uga nito. Ito ay kinakailangan ding maging isa sa mga misyon ng ating Inang Bayan, ang puksain ang ganitong pag- uugali at gawin ang kung ano ang nararapat para sa ikagaganda ng ating bansa.

VI.Implikasyon sa Lipunan

Noon at ngayon.”

“May pagkakaiba kaya?”

“Nagbago na kaya ang imahe ng ugaling Pilipino o tuluyan na bang nabahiran ng katamaran ang ating lahi at kailanma’y hindi na muling gagaling pa?”

“Ano ba talaga ang implikasyon nito?”

Ang daming katanungan na dapat itanong at mga sagot na dapat alamin.

‘Ni sarili kong pag-iisip ay hindi nito kayang buhatin pa. Sabihin nating hindi nga maiiwasan ang ganitong pag- uugali ngunit imbes na palalahin pa ito ay nakabubuting ito’y bigyang tuon at aksyunan agad. Dapat nating solusyunan ang ganitong uri ng suliranin na isa lamang sa mga nagpapahirap ng ating kalagayan lalo na sa ekonomiya ng ating bansa. Hindi ba’t kay gandang pakinggan kung ang ating Pilipinas ay mapapabilang sa listahan ng mga mauunlad na bansa sa Asya man o ng mundo? Syempre naman! Malimit lang kasi ang ganitong pagkakataon. MALIMIT? Dito na lang ba kuntento ang mga tao? Ang minsa’y magwagi. Ang minsa’y makilala’t maglaon ay biglang malalaos. Hindi ba tayo nagsasawa sa ganitong sitwasyon?- ang LAGING maging parte at hindi ang manguna?

Puwes, hindi tayo pangbalabal ng katawan na kailangang sumunod sa uso. Tayo dapat mismo ang siyang magpapauso ng sarili nating diskarte at pagkakakilanlan. At

kapag nangyari ito ay maaari na nating lubos na ipagmalaki na, “Kaibigan, ako’y

isang Pinoy at mortal kong kaaway ang KATAMARAN”.

VII.Kahalagahang Pangkatauhan

Natatandaan ninyo pa ba si Juan Tamad? Marahil ay oo. Sino nga ba naman ang hindi makakalimot sa karakter nito? Napakarami na nating sinubaybayang kwento tungkol sa katamaran ni Juan at iniisip ko lamang kung ano kaya ang naging bunga nito sa kaisipan nating mga Pilipino. Sabihin nating marami ang naaliw at natuwa dahil sa katawa-tawang katamaran ni Juan ngunit marami rin ang nag- akalang si Juan dela Cruz, na simbolo ng Pilipino ay nasa katauhan ni Juan Tamad lalo pa’t ito’y nakabihis ng kasuotang tunay na Pilipino. Tila negatibong pagpapahalaga ang naiwan
nito sa kaisipan ng ating mamamayan. Mapapansin natin, lubhang naging pala-asa sa tulong ng iba ang ilan nating kababayan. Ni ultimong pagsagot sa mga katanungan, nagagaya ang kaisipan ni Juan; gaya ng - “
Bakit pumapasok ang mga bata sa paaralan?” Ang sagot ni Juan, “Kasi po di maaaring pumunta sa amin ang paaralan.” Siya yung tipo ng tao na di nag-iisip, di kumikilos upang umunlad at tila napakababa
ng antas ng kaisipan.

Ang pina- kanakakatawang kwento ni Juan na akin pang laging iginuguhit ay yaong, pauwiin niya ang biniling mga alimango. Ginawa niya ito dahil nakita niyang maraming paa ang alimango at ito ay inutusan niyang umuwi. Kung may sapat kang kaisipan, sa palagay mo kaya ay makakarating ang mga ito sa kanilang mga bahay?

Hay, Juan Tamad. ‘Di ka namin kailangan ngayon. Panahon na upang kumatha tayo ng mga kwentong nakapagbabago sa kaisipang nakaka-aliw sa katamaran ni Juan. Sa hirap ng pamumuhay ngayon, ang kailangan natin ay ang S - I - P - A - G . Sige at ating matingnan ang mga Juan ngayon sa ating bayan. Sumipag na ba si Juan? Sa palagay ko… Oo… dahil ultimong patapong mga bagay ngayon ay pinipilit pa ring maging kapaki-pakinabang upang kumita lamang ng ikabubuhay. Kailangang kumayod ni Juan para sa kanyang pamilya. Kailangang kumayod ni Juan para matugunan ang lahat ng pangangailangan sa buhay at kailangan mag-isip ni Juan upang maging produktibo ang ating bayan. Atin ng kalimutan si Juan Tamad na nakanganga sa puno ng bayabas. Huwag na nating hintaying bagsakan tayo ng bulok at inuuod na bayabas.

1 comment: